Para sa marami, masaya
kapag umuulan. Ang tunog ng bawat patak na nakikipagniig sa bubong na yero ng
mga bahay-bahay, ang mapagpahingang samyo ng paligid dulot ng paghahalo ng
tubig at lupa, ang malamig na simoy ng hangin na tila nagduduyan sa kanila
patungo sa pagtulog ng mahimbing – lahat ito ay dahilan para sabihin ng marami
na masaya sila kapag umuulan. Ulan ang nagsisilbing pagtakas nila mula sa kani-kanilang
nakakapagod na mundo. Ulan ang nagsisilbing kanlungan ng kanilang mga pagod na puso.
Ulan ang nagbibigay sa kanila ng dahilan para huminto at magpahinga sa
pakikipaglaban sa buhay na mayroon ang bawat isa sa kanila.
Para sa marami, masaya
kapag umuulan.
Para sa akin, hindi.
Sa tuwing yayakap ang
dilim sa kalangitan habang ako ay naglalakad sa labas ng aming bahay patungo
kung saan, hindi ko mapakalma ang puso ko. Ang bilis ng tibok nito na tila
nagpapahiwatig na may hindi magandang mangyayari ang namamayani sa tuwing
makikita ko ang mga tao sa aking paligid na nagmamadali, tumatakbo, naghahanap
ng kanya-kanyang masisilungan, sakaling magsimula nang bumuhos ang malakas na
ulan.
Hindi ako kampante.
Hindi ako kalmado. Dulot ng ulan sa akin ay ang matinding takot na baka sa
pagbuhos ng ulan mula sa madilim na kalangitan, lamunin ng tubig ang lahat sa
aking paligid at tuluyan akong malunod…
Malunod sa mga alaala
ng nakaraang hindi mawaglit sa aking isipan kahit anong pilit ko.
Ayoko ng ulan. Ayoko ng
mga bagay na nagpapaalala sa akin ng nakaraan. Ayokong gumising sa umaga na
matindi ang kabog ng puso dahil alam kong wala akong panlaban sa sakit na dulot
ng tunog ng bawat patak, ng halimuyak ng paligid, ng lamig ng panahon. Ayokong
makumbinsi na sa mga panahon na ganito, gusto ko ng kasama dahil ito yung mga
pagkakataon na alam ko at alam ng Diyos na hindi ko kayang mag-isa.