Wednesday, February 21, 2018

Para sa marami, masaya kapag umuulan. Ang tunog ng bawat patak na nakikipagniig sa bubong na yero ng mga bahay-bahay, ang mapagpahingang samyo ng paligid dulot ng paghahalo ng tubig at lupa, ang malamig na simoy ng hangin na tila nagduduyan sa kanila patungo sa pagtulog ng mahimbing – lahat ito ay dahilan para sabihin ng marami na masaya sila kapag umuulan. Ulan ang nagsisilbing pagtakas nila mula sa kani-kanilang nakakapagod na mundo. Ulan ang nagsisilbing kanlungan ng kanilang mga pagod na puso. Ulan ang nagbibigay sa kanila ng dahilan para huminto at magpahinga sa pakikipaglaban sa buhay na mayroon ang bawat isa sa kanila.
Para sa marami, masaya kapag umuulan.
Para sa akin, hindi.

Sa tuwing yayakap ang dilim sa kalangitan habang ako ay naglalakad sa labas ng aming bahay patungo kung saan, hindi ko mapakalma ang puso ko. Ang bilis ng tibok nito na tila nagpapahiwatig na may hindi magandang mangyayari ang namamayani sa tuwing makikita ko ang mga tao sa aking paligid na nagmamadali, tumatakbo, naghahanap ng kanya-kanyang masisilungan, sakaling magsimula nang bumuhos ang malakas na ulan.
Hindi ako kampante. Hindi ako kalmado. Dulot ng ulan sa akin ay ang matinding takot na baka sa pagbuhos ng ulan mula sa madilim na kalangitan, lamunin ng tubig ang lahat sa aking paligid at tuluyan akong malunod…
Malunod sa mga alaala ng nakaraang hindi mawaglit sa aking isipan kahit anong pilit ko.

Ayoko ng ulan. Ayoko ng mga bagay na nagpapaalala sa akin ng nakaraan. Ayokong gumising sa umaga na matindi ang kabog ng puso dahil alam kong wala akong panlaban sa sakit na dulot ng tunog ng bawat patak, ng halimuyak ng paligid, ng lamig ng panahon. Ayokong makumbinsi na sa mga panahon na ganito, gusto ko ng kasama dahil ito yung mga pagkakataon na alam ko at alam ng Diyos na hindi ko kayang mag-isa.